-- Advertisements --

Mas lumakas pa bilang typhoon ang bagyong nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR) na may international name na “Krosa.”

Ayon sa state weather bureau, huli itong na-monitor sa layong 2,460 km sa silangan ng Northern Luzon. 

Bagama’t wala pa sa PAR, patuloy na binabantayan ang galaw nito ng ahensya. 

Patuloy namang nakaaapekto ang Habagat o Southwest Monsoon sa malaking bahagi ng Luzon. 

Kabilang sa mga lugar na makararanas ng madalas na pag-ulan ay ang Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Zambales, Bataan, at Occidental Mindoro.

Samantala, magiging maulap na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat ang panahon sa Metro Manila, Cordillera, Cagayan Valley, CALABARZON, at natitirang bahagi ng Central Luzon, Ilocos Region, at MIMAROPA. Posible rin dito ang biglaang pagbaha.

Bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan naman ang mararanasan sa ibang bahagi ng bansa, ngunit may tiyansa pa rin ng mga panandaliang pag-ulan o thunderstorm, na maaari ring magdulot ng baha.