-- Advertisements --

Libo-libong mamamayan ang nagtipon sa Luneta Park at EDSA People Power Monument kahapon, Setyembre 21, upang ipanawagan ang pananagutan sa umano’y korapsyon sa mga flood control project. Dumalo rin ang ilang artista at kilalang personalidad sa kilos-protesta.

Sa Luneta Park, nakiisa si Jodi Sta. Maria at iginiit sa kanyang talumpati na dapat may managot sa mga iregularidad. Aniya, hindi na dapat palampasin ang ganitong pangyayari sa bansa.

Kabilang din sa mga dumalo sina Maris Racal, na nanguna pa sa mga chant, pati na sina Angel Aquino at Andrea Brillantes.

Samantala, sa Trillion Peso March sa EDSA, dumalo sina Vice Ganda, Anne Curtis, Jasmine Curtis-Smith, Donny Pangilinan, Darren Espanto at iba pang personalidad.

Sa kanyang talumpati, hinamon ni Vice Ganda si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipakulong ang mga sangkot sa korapsyon, giit pa niya, ang kapangyarihan ay nasa kamay ng taumbayan.

Bukod dito, nagsagawa rin ng anti-corruption run sa Makati sina Dingdong Dantes, Kim Molina at Jerald Napoles.

Nagpahayag naman ng suporta sa social media sina Angel Locsin, Sarah Geronimo, Paulo Avelino, Kim Chiu at iba pang personalidad.

Pinangunahan ng iba’t ibang grupo ang protesta na layong igiit ang hustisya at wakasan ang katiwalian sa pamahalaan.