Nagsumite na ng depensa at counter-affidavit sa Department of Justice ang mga anak ng negosyante at gaming tycoon na si Charlie “Atong” Ang na dinadawit sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Sa kanilang kontra-salaysay, mariing itinanggi ng mga anak ni Ang ang mga alegasyon na sangkot sila sa pagkawala ng mga sabungero.
Kanilang iginiit na walang batayan at walang ebidensya ang mga akusasyon na isinampa laban sa kanila ng sinasabing whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan.
Ayon sa abogado ng magkakapatid na si Atty. Lorna Kapunan, nabigo si Patidongan na magharap ng sapat na patunay sa mga akusasyon at kulang ang kanyang testimonya para maituring na may prima facie evidence o sapat na batayan upang ituloy ang kaso.
Iginiit ni Atty Kapunan na pilit na idinadawit ni Patidongan ang pamilya Ang at kanilang mga kasamahan upang mailigtas ang sarili sa kasong kidnapping na kinahaharap ni Patidongan sa Manila Regional Trial Court.
Si Patidongan anila ang tunay na may kinalaman sa kaso, at kanilang patutunayan sa nagpapatuloy na preliminary investigation ng DOJ.#m
Naniniwala rin sila na makikita ng DOJ ang kawalan ng basehan ng mga paratang at kalaunan ay ididismis ang kaso.
Noong nakaraang linggo, personal na naghain si Atong Ang ng sarili niyang counter-affidavit at hiniling sa mga piskal na ibalik sa PNP-CIDG ang kaso para muling isailalim sa imbestigasyon.