Nagkasundo na ang mga alkalde ng Metro Manila na isara ang mga sementeryo sa Araw ng Undas o All Saint’s Day sa November 1.
Ayon kay MMDA general manager Jojo Garcia, ngayong gabi pag-uusapan sa meeting ng Metro Manila Council ang magiging guidelines para sa pagpapatupad ng nasabing hakbang.
Ang desisyon na ito ng mga mayor ay para maiwasan daw ang pagdagsa ng mga tao, sa gitna ng ipinagbabawal pang social gatherings dahil sa COVID-19 pandemic.
Kung maaalala, una nang nag-anunsyo si Manila Mayor Isko Moreno na sarado muna sa publiko ang mga sementeryo at kolumbaryo sa kanyang lungsod mula October 31 hanggang November 3.
Ilang lokal na pamahalaan na rin sa NCR at lalawigan ang nagpatupad ng parehong kautusan.
Sa huling anunsyo na inilabas ng lokal na pamahalaan ng Mandaluyong at Valenzuela, mula October 30 hanggang November 3 sarado ang kanilang mga sementeryo.
Pareho rin petsa ng pagsasara ng mga himlayan sa Cebu City, pero paglilinaw ni Mayor Edgardo Labella papayagan pa rin sa kanyang lungsod ang interment at cremation services.
Sa Pateros, Marikina at Paranaque naman ay mula October 31 hanggang November 2 sarado ang mga sementeryo.
Habang mula October 15 hanggang November 2 ay regulated o kontrolado ang pagbisita sa mga sementeryo sa Marikina, ayon kay Mayor Marcy Teodoro.