Pansamantalang itinigil muna ang isinasagawang ‘search and retrieval operations’ sa bahagi ng Taal lake hinggil sa paghahanap ng mga labi na inilibing umano sa lawa.
Ayon sa ibinahaging mensahe ni Department of Justice Assistant Secretary at Spokesperson Mico Clavano, inilagay muna sa ‘standby’ ang naturang operasyon.
Aniya’y bunsod ito ng nagpapatuloy na pag-ulan nararanasan na siyang nakaapekto sa lagay ng ‘underwater visibility’ sa Taal lake.
‘Unfavorable condition’ raw ito para isagawa o ipagpatuloy ngayon ang diving operations sapagkat nagresulta sa paglabo ng tubig ang nakikita dulot ng lagay ng panahon.
Maging ang gamit na Remotely Operated Vehicle o ROV ng Philippine Coast Guard ay inihinto munang gamitin dahil sa sitwasyon din ng kalapit na ilog.
Maalalang inihayag ni Justice Secretary Remulla na kanilang ipatitigil ang search and retrieval operations sa Taal lake sakaling hindi ligtas ito sa mga divers.
Hihingi umano sila ng payo mula sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS para malaman ang pangambang maaring kaharapin kung ito’y ipagpatuloy pa.