ILOILO CITY – Isa ang patay habang dalawa ang sugatan sa nangyaring engkwentro sa pagitan ng rebeldeng grupo at Philippine Army sa Brgy. Dagami, Maasin, Iloilo at Brgy. Ongyod, Miag-ao, Iloilo.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Capt. Cenon Pancito III, tagapagsalita ng 3rd Infantry Division ng Philippine Army, sinabi nito na ang bangkay na kanilang nakita sa Barangay Ongyod ay nasa 16 hanggang 18-anyos at may bitbit na M16 rifle habang nasugatan naman si Sgt. Janny Labrador.

Ayon kay Pancito, ang nasabing bangkay na pinaniniwalaang miyembro ng rebeldeng grupo ay ang tinutukoy ni Lyka Sumulong, tagapagsalita ng New People’s Army, na nasugatan at hindi nabigyan ng medical attention matapos ang engkwentro noong Biyernes.

Sa bakbakan naman sa Barangay Dagami, sinabi ni Pancito na nasugatan ang isang Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) member.

Posible ayon kay Pancito na diversionary tactics lamang ng rebeldeng grupo ang nangyaring sagupaan sa bayan ng Maasin.

Dahil na rin sa maigting na security operations ng Philippine Army, tinatayang may 15 miyembro ng rebeldeng grupo ang hindi pa nakaalis sa Barangay Ongyod sa bayan ng Miag-ao.