-- Advertisements --

Inirekomenda ng kalihim ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) na dating National Economic and Development Authority (NEDA) na si Sec. Arsenio Balisacan na napapanahon na para patawan ng buwis ang online gambling na aniya’y isyu sa lipunan.

Sa isang panayam sa kalihim na miyembro ng economic team ng Marcos administration, inihalintulad niya ang online gambling sa sigarilyo at alcohol na dapat i-regulate ng pamahalaan.

Bagamat aminado si Sec. Balisacan na may kaakibat na hamon ang pagpapatupad ng pagbubuwis sa mga online gambling.

Ayon sa kalihim, dapat na magkaroon muna ng mga imprastruktura para mabuwisan ang online gambling at kailangan ng batas para maisagawa ito. Sa ngayon kasi, tanging batas pa lamang para sa pagbubuwis sa online gaming ang naipatupad.

Nakikita naman ng kalihim na makakatulong ang pag-link ng e-wallets para ipatupad ng gobyerno ang mga polisiya para sa pagbubuwis.

Pero kumambiyo ang opisyal sa usapin ng total ban o tuluyang pagbabawal ng online gambling sa bansa bagamat itinuturing niya itong nakakabahala.

Ginawa ng opisyal ang pahayag sa gitna ng paglaganap ng online gambling sa bansa na ineendorso pa sa pamamagitan ng naglalakihang billboards at laganap din na paggamit ng e-wallets na naka-link sa online gambling platforms.