CAGAYAN DE ORO CITY – Nagpapagaling na ang dalawang sundalo na kabilang sa nasabugan ng improvised explosive device (IED) na itinanim ng New People’s Army (NPA) sa Lumba Bayabao, Lanao del Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Mindanao Command spokesperson Maj. Arvin Encinas na pinasok ng 49th Infantry Battalion ang kampo ng nasa 50 miyembro ng NPA alinsunod sa ibinigay na impormasyon ng mga sibilyan sa lugar.
Subalit hindi pa man tuluyan napasok ng militar ang nagsilbing medical training facility ng mga rebelde, ay sinalubong na sila ng IED explosion kaya tinamaan ang dalawang sundalo pero masuwerteng hindi naman malubha ang kalagayan.
Kinumpirma rin ng opisyal na narekober nila mula sa lokasyon ng teroristang grupo ang ilang kagamitan na mayroong kaugnayan sa kilusan.
Dagdag nito na mayroong mga sugatan sa tumakas na NPA dahil naiwan ang maraming bakas ng dugo matapos ang ilang minuto na engkuwentro.
Iginiit ng militar na ang maaga na pagkadiskobre sa presensya ng NPA rebels sa lugar ay patunay na hindi sila malugod na tinanggap sa mga residente kaya nangyari ang bakbakan nito lamang Hulyo 28.