-- Advertisements --

Nakahanap ng kakampi sina PhilHealth Chief Ricardo Morales at Executive Vice President Arnel De Jesus should kay Sen. Panfilo Lacson.

Sa isang panayam, sinabi ni Lacson na hindi dapat kuwestiyunin ang health condition nina Morales at De Jesus kahit pa iniimbestigahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang mga iregularidad sa ahensya.

Ginawa ni Lacson ang pahayag matapos na maisumite sa Senado ang medical certificates nina Morales at De Jesus ilang araw bago ang pagpapatuloy ng imbestigasyon sa darating na Martes.

“Itong particular case na ito, talagang dapat makibagay, makiramay. Kasi nag-alangan tayo noong nakaraan parang modus operandi. Kapag medyo nagigipit na biglang naka-wheelchair na. Pero ito totohanan naman ito,” sagot ni Lacson sa mga kumukuwestiyon sa timing ng medical certificates ng dalawang opisyal ng PhilHealth.

Iginiit ng senador na dapat igalang ang privacy at oras ng dalawang opisyal ng PhilHealth na makapagpagamot, magpagaling at magpahinga.

Kung tutuusin, maging silang mga senador aniya ay pagod din naman sa imbestigasyon sa anomalya sa PhilHealth na isinagawa noong nakaraang linggo.

Una nang sinabi ng oncologist ni Morales sa ipinadala nitong medical certificate sa Senate Commiittee of the Whole na kasalukuyang sumasailalim sa chemotherapy ang opisyal matapos na ma-diagnose ng lymphoma.

Sa liham naman na kanyang ipinadala sa opisina ni Senate President Vicente Sotto III, sinabi ni De Jesus na hindi siya makakadalo sa pagdinig sa Martes dahil sa hindi inaasahang medical emergency.