-- Advertisements --

Nakakumpiska ang mga pulisya ng mahigit P10.9 million halaga ng shabu sa Negros Oriental sa isang linggong anti-crime operation mula Abril 28 hanggang Mayo 4 bilang paghahanda sa nalalapit na 2025 midterm elections.

Ayon kay Lt. Stephen Polinar, tagapagsalita ng Negros Oriental Police Provincial Office (NOPPO), 1,607 gramo ng shabu ang nakuha at 23 drug suspects ang naaresto sa 19 na isinagawang drug operations.

Kasabay nito, 42 katao ang nahuli sa ilegal na sugal, apat sa mga most-wanted criminals ang nadakip, at 46 pang iba’t ibang wanted persons ang naaresto. Naitala rin ang anim na pag-aresto kaugnay ng loose firearms sa 30 operasyon, at 957 ang naitalang lumabag sa ordinansa ng buong lalawigan.

Sa ilalim ng “Oplan Katok,” nakumpiska rin ang 15 baril mula sa mga may-ari na paso na ang lisensya.

Tuloy-tuloy ang Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations (SACLEO) hanggang sa eleksyon sa Mayo 12 upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa lalawigan.