Nagnegatibo sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot at alcohol ang driver ng Solid North Bus Transit Inc. bus na naging dahilan ng karambola ng mga sasakyan sa Subic–Clark–Tarlac Expressway.
Ang insidenteng ito ay nagresulta sa pagkakasawi ng hindi bababa sa 12 indibidwal kabilang na ang apat na bata at pagkakasugat ng nasa 37 indibidwal.
Ayon sa Tarlac City Police Station, sumailalim ang driver sa alcohol breath analyzer test at mandatory drug testing.
Ito ay bilang pagtalima sa umiiral na Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013.
Sa isang pahayag ay kinumpirma ni Tarlac City Police chief Police Lieutenant Colonel Romel Santos na parehong nagnegatibo ang driver sa dalawang test.
Kaugnay nito ay sinuspinde na ang operasyon ng lahat ng unit ng Pangasinan Solid North Transit Inc. sa loob ng 30 araw kasunod ng malagim na insidente.
Inanunsyo naman ni Transportation Secretary Vince Dizon na oobligahin na ngayon ng gobyerno ang lahat ng public utility vehicles drivers na sumailalim sa mandatory drug testing dahil sa mga naitatalang road accidents sa bansa.