Naniniwala ang isa sa mga miyembro ng Team Pacquiao na wala na raw interes pang makipagtuos muli si Floyd Mayweather Jr kay Sen. Manny Pacquiao.

Sa isang panayam, sinabi ni strength and conditioning coach Justin Fortune, isa lamang daw media hype ang sagutan nina Pacquiao at Mayweather sa social media kamakailan.

Tingin din ni Fortune, mahihirapan umano si Mayweather na tapatan ang kasalukuyang lebel ng conditioning ng Pinoy ring icon.

Paliwanag ni Fortune, aktibo pa rin kasi si Pacquiao sa kabila ng kanyang pagiging 40-anyos, habang si Mayweather ay hindi.

Kung siya raw ang tatanungin, sakali mang matuloy ang rematch ng dalawang kampeon ay kumpiyansa itong magwawagi ang fighting senator.

Nauna nang sinabi ni Hall of Famer coach Freddie Roach na may tsansang matuloy ang rematch nina Pacquiao at Mayweather dahil nais ng Pinoy superstar na makabawi sa una nilang paghaharap noong 2015.

Samantala, dapat umanong mas gawing prayoridad ni Pacquiao ang rematch kay Keith Thurman kaysa kay Mayweather sa kanyang susunod na laban.

Tingin ng advisor ni Mayweather na si Leonard Ellerbe, mayroon pa raw kasing “unfinished business” si Thurman lalo pa’t nadungisan ng Pinoy ring icon ang kanyang malinis na record.