(Update) VIGAN CITY – Dalawa ang sugatan sa nangyaring barilan sa pagitan ng mayoralty candidate at sa ABC president sa Tayum, Abra.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, unang nagkainitan kahapon ang live-in partner ni Brgy. Capt. Walter Tugadi at si mayoralty candidate Joey Brillantes habang nangangampanya sa Barangay Budac sa nasabing bayan.

Napagdesisyunan umano ng live-in partner ni Tugadi na umalis ngunit bigla na lamang umanong pinaputukan ng grupo ni Brillantes ang kanilang sasakyan kaya bumawi ang kampo ni Tugadi.

Nadaplisan ng bala sa may bahagi ng ulo ang kasama ni Brillantes na si Rexander Bolosan Echave, 36, may-asawa at residente ng Brgy. Velasco, Tayum, Abra, samantalang tinamaan naman sa paa ang kasama ni Tugadi na si Alvin Padagas, 23, binata at barangay tanod ng Brgy. Budac.

Nakuha sa pinangyarihan ng insidente ang umaabot sa 28 basyo ng cal. .45 at 11 basyo naman mula sa M16 rifle.

-- Advertisement --

Politika ang itinuturong rason ng nasabing insidente ngunit iniimbestigahan pa ng mga otoridad ang mga iba pang posibleng anggulo ng pangyayari.