DAVAO CITY – Binisita ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ang mga biktima ng lindol sa Tulunan, North Cotabato.

Sakay lamang si Mayor Sara sa kanyang motorsiklo nang personal na dumalaw at namigay ng mga food packs sa mga residente sa apektadong lugar.

Kasabay ng pagdalaw ng alkalde, nakipagpulong rin ito sa mga local government officials sa naturang lugar.

Matapos ang pagbisita ni Mayor Sara sa munisipyo ng Tulunan, dinalaw din nito ang Kidapawan City at ang munisipyo ng Makilala na kabilang sa mga napuruhan sa pagyanig.

Sa kabilang dako, nagpaabot rin ng kanyang tulong ang aktres na si Angel Locsin sa mga biktima ng lindol sa probinsiya ng Davao del Sur.

Una nang namataan si Angel kasama ang kanyang boyfriend na si Neil Arce sa isang supermarket sa lungsod ng Davao na namili ng mga sako-sakong bigas, kahon-kahong grocery items at mga bottled water.

Tumulong din si Angel sa paghakot ng mga galon-galong tubig para mas mapadali ang pag-load nito sa truck na siyang magdadala nito papunta sa mga apektadong lugar, at mismong si Angel at fiance nito ang tumulong sa Philippine Red Cross sa pag-abot ng mga tulong sa mga biktima.

Matatandaan na noong Hunyo 2017 pinangunahan rin ng aktres ang disaster relief efforts sa mga biktima ng Marawi Siege.