Tiniyak ni Press Secretary Trixie Cruz Angeles na may mga mapaparusahan sa nangyaring iligal na paglalabas ng resolusyon ng Sugar Regulatory Administration (SRA) board na nag uutos ng pag aangkat ng 300 libong metriko toneladang suplay ng asukal, kapag naging mabilis ang imbestigasyon.
Sinabi ni Angeles na asahan na ang paglalabas ng preventive suspension order anumang araw mula ngayon habang nagsasagawa ng pagsisiyasat.
Ayon sa kalihim, lahat ng pumirma sa resolusyon ay may status ngayon na under investigation.
Kabilang sa mga pumirma sa resolusyon sina Usec. Leocadio Sebastian na siyang lumagda sa ngalan ni Pangulong Marcos; Administrator Hermenegildo Serafica na siyang SRA board vice chairperson, Atty. Rolando Beltran, board member/millers representative at Aurelio Gerardo Valderrama Jr., acting board member planters representative.
Gayunpaman, sinabi ni Angeles na gusto pa rin ni Pangulong Marcos na ibigay ang karampatang “due process” sa mga nabanggit na opisyal ng SRA board at kukunin ang kanilang paliwanag sa nangyari.
Sa katunayan, kagabi ay may lumabas sa isang post ng Office of the President ang larawan, kung saan makikita na katabi ni Pangulong Marcos si Sebastian na nakatayo habang may mga dokumentong tinitingnan ang punong ehekutibo.
Ayon kay Angeles posibleng nabigyan ng pagkakataon si Sebastian na ipaliwanag ang sarili sa pangulo, subalit kailangan pa rin nitong magpaliwanag nang kabuuan sa Office of the Executive Secretary na siyang magsasagawa ng imbestigasyon.