Umabot sa dalawampung kawani at opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bulacan District Engineering Office ang kinasuhan kaugnay ng maanomalyang flood control projects at mga umano’y ghost projects. Kabilang din sa mga kinasuhan ang limang indibidwal mula sa mga sangkot na kontratista.
Ngayong araw, personal na nagtungo si DPWH Secretary Vince Dizon sa Office of the Ombudsman upang isumite ang mga dokumento laban sa mga opisyal at kontratista. Nahaharap sila sa kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Malversation through Falsification, Government Procurement Reform Act (RA 9184), at New Government Procurement Act (RA 1209).
Ayon kay Dizon, ang mga kasong ito ang unang inihain dahil may matibay na ebidensya at agarang mapapanagot ang mga akusado. Giit niya, non-bailable ang mga kaso at maaari itong humantong sa habangbuhay na pagkakakulong sakaling mapatunayang nagkasala.
Kabilang sa mga opisyal ng DPWH na kinasuhan sina Engr. Henry Alcantara, Engr. Brice Hernandez, at Engr. Jaypee Mendoza. Sa panig naman ng mga kontratista ay sina Sally Santos ng SYMS Construction, Mark Allen Arevalo ng Waowao Builders, Ma. Roma Angeline Rimando at Cezarah Rowena Discaya ng St. Timothy Construction Corporation, at Robert Imperio ng IM Construction Corporation.
Giit ni Dizon, ito pa lamang ang simula ng serye ng mga kaso laban sa mga tiwaling opisyal at kontratista. Inaasahan aniya na sa mga susunod na linggo ay may panibagong mga reklamo na ihahain kaugnay ng anomalya sa flood control projects sa iba pang bahagi ng bansa.
Dagdag niya, kapag naitatag na ang independent commission, ito na ang mangunguna sa paghahain ng mga kaso, at handang maging resource person ang DPWH