Inilunsad ng Department of the Interior and Local Government (DILG) nitong Huwebes, Setyembre 11, ang Unified 911, ang bagong iisang emergency hotline na pinagsasama-sama ang lahat ng lokal na emergency numbers sa Pilipinas.
Sa ilalim ng sistemang ito, lahat ng tawag para sa pulisya, sunog, medikal, o sakuna ay idadaan sa iisang network na konektado sa PNP, BFP, BJMP, at mga lokal na pamahalaan.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, layon ng proyekto na gawing mas simple at mabilis ang emergency response. Mula sa dating 200 iba’t ibang emergency numbers, ngayon ay 911 na lang ang kailangang tandaan.
Bukod dito layon din ng ahensya na magtayo ng 8 karagdagang call centers sa loob ng 120-araw.
Target pa ng ahensya ang 5-minutong response time, at kayang tumanggap ng tawag sa iba’t ibang wika gaya ng Tagalog, Cebuano, Ilocano, Waray, at Tausug.
Sa unang araw ng operasyon, 58,000 tawag ang iniulat na natanggap ng Unified 911 ngunit 60% nito ay puro prank calls.
Binalaan naman ni Remulla ang publiko na ang mga paulit-ulit na bogus callers ay isasailalim sa “least priority” at hindi na muling makakahingi ng emergency help.
Samantala P1.4 billion ang inilaan ng gobyerno para sa unang yugto ng proyekto na may kasamang dagdag na sasakyan, drones, at push-to-talk radios para sa mga responder.