-- Advertisements --

Hindi ititigil ng gobyerno ng Japan ang pagbibigay ng murang halaga ng pautang sa big-ticket projects ng Pilipinas gaya ng mga tulay, spillway at sa maritime.

Tiniyak ito ng Japan sa gitna ng imbestigasyon sa mga maanomaliyang flood control projects kasama ng isinasagawang pagdinig ng Kongreso sa pondo sa Pilipinas.

Para mabusisi ang progreso ng infrastructure projects na pinondohan ng Japan, pinangunahan ni Finance Secretary Ralph Recto ang delegasyon ng Pilipinas sa pakikipagkita kay Mori Masafumi, Special Advisor to the Prime Minister of Japan.

Kung saan ayon sa Japan envoy, pinagtibay ng naturang diskusyon ang patuloy na kooperasyon sa pagitan ng dalawang bansa kabilang na ang malalaking infrastructure development, disaster prevention, information and communications, energy at Mindanao peace process.

Tiniyak naman ni Sec. Recto sa gobyerno ng Japan na kanilang tatapatan ang kumpiyansang ito ng investor nang maayos at transparent na pagpapatupad ng existing at pipeline projects.

Para sa fiscal year 2025-2026 ng Japan, nakatakdang pondohan ng naturang bansa ang ikalawang San Juanico Bridge ng Pilipinas na inaasahang magpapaikli sa oras ng biyahe, mas murang pamasahe at lilikha ng bagong mga oportunidad sa negosyo at sa mga manggagawa sa Visayas.

Gayundin ang pipeline project na Parañaque Spillway Project, na naglalayong mapahupa ang mga pagbaha sa mga komunidad sa may Laguna Lakeshore.

Kasama din sa popondohan ang PCG Support Facility sa Subic Bay na idinisenyo para mapahusay ang kapasidad ng ahensiya, mapahusay ang kaligtasan ng mga mangingisda at mga komunidad na malapit sa mga baybayin.