Reading Time: 1 minute

DAGUPAN CITY – Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaking masahista matapos umano nitong pagsamantalahan ang kanyang babaeng costumer sa loob mismo ng isang spa sa Urdaneta City, Pangasinan.

Nakilala ang suspek na si Gregorio Agbayani III, 22.

Ayon sa salaysay ng biktima na tumanggi na ipasapibliko ang pangalan, nagtungo umano ito sa isang spa sa nabanggit na siyudad upang sana’y magpamasahe.

Aniya, pangalawang beses na nitong magtungo sa lugar at dahil satisfied at maayos naman umano ang kanyang naging karanasan, hiniling umano nito sa pamunuan ng spa na kung maaari ay ang una na nitong naging masahista ang magmasahe sa kanya.

Sa kalagitnaan naman ng pagmamasahe, nagpaalam umano ang therapist sa biktima na huhubarin ang kanyang scrub suit dahil naiinitan ito sa loob ng kuwarto.

Sunod naman nitong ipinaalam ang pagpapatay sa ilaw dahil nakakadagdag umano ito sa init ng lugar.

Makalipas naman ang ilang minuto, ni-request ng naturang therapist na hubarin ng biktima ang kanyang suot na shorts upang mas maging relaxing umano ang katawan nito.

Noong una’y tumanggi aniya ang biktima sa kagustuhan ng suspek ngunit kalaunan ay pumayag din dahil na rin umano sa tiwala nito sa therapist.

Ngunit sa kalagitnaan ng pagmamasahe, hindi umano inaasahan ng biktima ang ginawa sa kanya.

Mula aniya sa kanyang likod, dire-deritso na umano ang kamay ng suspek sa maselang bahagi ng kanyang katawan.

Hindi naman umano nakapalag pa ang biktima lalo na’t mahigpit ang naging hawak sa kanya ng masahista.

Agad namang naaresto ng pulisya ang suspek na umamin din sa krimeng kanyang ginawa.

Habang sinusulat ang balitang ito ay nakakulong na ang suspek at nakatakdang sampahan ng kasong rape.