Itinuturing ng Russia na seryoso ang naging pahayag ni US President Donald Trump na sila ay papatawan ng mataas na taripa at sanctions.
Ayon kay Kremlin spokesperson Dmitry Peskov na hindi nila minamaliit ang pahayag na ito ni Trump at sa halip ay kailangan umano nila ng panahon para tumugon.
Pinag-aaralan pa umano ngayon ni Russian President Vladimir Putin bago ito magbigay ng anumang komento ukol sa usapin.
Una ng sinabi ni Trump na mayroon 50 araw ang Russia para tumugon sa isinusulong nilang ceasefire deal sa pagitan ng Ukraine at kung umayaw sila ay kanilang papatawan ng 100 percent na taripa.
Madadamay din ang mga bansang bumibili ng langis ng Russia.
Inihayag naman ni North Atlantic Treaty Organization (NATO) Secretary General Mark Rutte na maapektuhan ang Brazil, China at India dahil patuloy ang pagbili nila ng langis sa Russia.