Iginiit ng National Economic and Development Authority (NEDA) na tama ang bagong quarantine restrictions sa Metro Manila at katabing apat na lalawigan o ang “NCR Plus Bubble” dahil kung MECQ o mas mahigpit na restrictions ang ipaiiral sa dalawang linggo, lalo itong magpapalala sa kagutuman at kawalan ng trabaho sa bansa.
Sa press briefing sa Malacañang, iprinisinta ni Acting Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua ang cost-benefit analysis kung dalawang linggong modified enhanced community quarantine sana ang ipatutupad ng gobyerno sa gitna ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Sinabi ni Sec. Chua, kung MECQ, madadagdagan ng 58,000 ang kasalukuyang 3.2 million na Pilipinong nagugutom habang ang bilang ng mga walang trabaho ay tataas pa ng 128,500 ang 506,000 na walang trabaho.
Ayon kay Sec. Chua, maliban sa epekto sa ekonomiya, mas marami rin ang mamamatay na walang kinalaman sa COVID-19 kung MECQ ang ipatutupad.
Batay daw sa pag-aaral, kung ipatutupad ang MECQ sa loob ng dalawang linggo, aabot sa 78,599 ang non-COVID deaths habang ang foregone treatment para sa mga tinaguriang “high burden diseases” ay nasa 75,000.
Kumpara naman ito sa 266,194 mapipigilang bagong kaso ng COVID-19 at 4,738 na maiiwasang bagong COVID deaths.
“Yan po yung proseso na ginawa ng IATF, always based on the data and the recommendation based on science,” ani Sec. Chua.