-- Advertisements --
PBBM 2

Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi na kailangan pang mangamba ng ating mga kababayanan dahil mas maraming job opportunities ngayon para sa mga Pilipino sa Saudi Arabia.

Ito ay matapos ang ginanap na bilateral meeting ng Pilipinas at Saudi sa sideline ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit na tumuon sa usapin sa labor ng dalawang bansa.

Paliwanag ng pangulo, mismong si Saudi Crown Prince at Prime Minister Mohammed bin Salman ang nagsabi sa kanya na planong tumanggap pa ng Saudi ng dagdag na foreign workers sa susunod na panahon.

Sa ngayon ay hindi pa binabanggit ni President Marcos Jr. kung anu-anong uri ng trabaho ang iaalok ng nasabing bansa sa Pilipinas ngunit bukod dito aniya ay mayroon pa raw iba pang kasunduan ang target niyang makamit kabilang na aniya ang possible fuel at fertilizer deal.

Kung maaalala, una nang sinabi ng Department of Migrant Workers na pumayag na ang Saudi na bayaran ang mga sweldong hindi naibigay sa mga kababayan nating nagtatrabaho sa Saudi construction companies matapos na magdeklara ang mga ito ng bankruptcy noong 2015 hanggang 2016.

Kasabay ito ng pangako ng nasabing bansa na silana mismo ang gagawa ng sistema upang matiyak na hindi na mauulit pa ang nasabing insidente.