Target ni Senate Committee on Finance Chairman Senador Sherwin Gatchalian na maglaan ng pondo para sa sektor ng edukasyon na aabot sa 4% ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa.
Ito ay upang tugunan ang kinahaharap na krisis sa edukasyon at tiyakin ang mas matatag na kinabukasan para sa mga susunod na henerasyon.
“Pipilitin nating umabot o lumagpas ng 4% ng GDP ang budget ng edukasyon dahil malaki ang kailangang pondo para masolusyunan ang krisis sa edukasyon. Hindi ibig sabihin na isasantabi na ang ibang sektor. Bibigyan lang natin ng prayoridad ang edukasyon,” ani Gatchalian.
Binanggit ng senador na nakatuon sa back to basics ang pondong ilalaan, partikular sa pagpapalakas ng kakayahan sa pagbasa at matematika mula Kindergarten hanggang Grade 3. Kabilang din sa mga prayoridad ang pagpopondo sa Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program.
Upang maresolba ang kakulangan sa silid-aralan, iminungkahi ni Gatchalian ang muling pagpapatupad ng counterpart program, kung saan maghahati sa gastusin ang pambansang pamahalaan at mga lokal na pamahalaan sa pagtatayo ng mga classrooms.
Ipinanukala rin niya ang pagdaragdag ng bilang ng mga teacher aides upang mabawasan ang mga gawaing administratibo at iba pang non-teaching tasks na nakakaapekto sa pagtuturo ng mga guro.