-- Advertisements --
Marikina testing lab
IMAGE | Marikina Molecular Diagnostic Laboratory/Marikina PIO

Sinimulan na ng Marikina City ang pagsasagawa ng testing sa COVID-19 matapos sertipikahan ng Department of Health (DOH) ang itinayong laboratoryo ng lungsod.

Alas-8:00 nitong umaga nang buksan ng Marikina LGU ang kanilang Molecular Diagnostic Laboratory na target i-prioritize ang mga residenteng may sintomas at nagkaroon ng exposure sa confirmed cases.

Pati na mga frontliners, medical workers at local officials na nakatalaga sa pamamahagi ng cash aid ay kabilang din sa prayoridad ng testing.

Ayon kay Mayor Marcelino Teodoro, sasagutin ng lokal na pamahalaan ang testing fee ng Marikina residents na nagkakahalaga ng hanggang P5,000 sa mga pribadong pasilidad.

Ang naturang laboratoryo ay mayroon daw 8,000 hanggang 10,000 locally-developed test kits ng UP-National Institute of Health.

Nilinaw ng alkalde na kahit mga kalapit na lungsod at lokalidad ay libre ring makapagpapa-test sa kanilang pasilidad basta’t may bitbit silang sariling test kits.

Sa huling tala ng Marikina LGU, nakapagtala ng 103 confirmed cases ang lungsod mula nang pumutok ang COVID-19 pandemic sa bansa.