Hinamon ni Senador Jinggoy Estrada na pareho silang sumailalim ni dating Bulacan 1st district assistant engineer Brice Hernandez sa lie detector test matapos nitong idawit ang senador na sangkot sa umano’y korapsyon sa flood control projects.
Ang hamon ni Estrada ay matapos isiwalat ni Hernandez sa pagdinig sa Kamara na nagbaba ang senador ng P355 million ngayong 2025 sa ilang proyekto sa lalawigan ng Bulacan.
Itinanggi ni Estrada na tumanggap siya ng kickback mula sa mga flood control projects.
Iginiit pa nito na “madaling magsalita” at handa siyang patunayan na pawang kasinungalingan lamang ang mga ibinabatong akusasyon laban sa kanya.
Sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee kahapon, tinanong ni Estrada ang kontratistang si Curlee Discaya kung, sa dami ng mga kongresistang nadawit sa isyu ng mga ghost projects, ay may nabanggit bang senador. Tumugon naman si Discaya at aniya walang sangkot na senador.
Umani pa ng atensyon ang naging tugon ni Senator Rodante Marcoleta kay Estrada na, “safe ka na.”