Inamin ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong noong Miyerkules, Setyembre 10 na hindi pa siya nakakatanggap ng anumang imbitasyon upang maging bahagi ng bubuuing independent commission ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mag-iimbestiga sa umano’y katiwalian sa mga proyektong imprastruktura ng pamahalaan, partikular na sa flood control projects.
Sa isang forum sa Manila Hotel, sinabi ni Magalong na wala pang pormal na imbetasyon ang Malacañang, at kinuwestyon din niya ang kanyang pagiging kuwalipikado dahil isa siyang halal na opisyal.
“Wala pa naman,” aniya. “It so happens that I’m a politician, so it seems I’m no longer qualified… and I would accept that.”
Ayon sa paunang plano ng Pangulo, hindi isasama ang mga pulitiko sa komisyon upang mapanatili ang pagiging patas at walang kinikilingan sa imbestigasyon.
Hanggang ngayon, wala pang opisyal na anunsyo mula sa Office of the President kaugnay sa mga magiging miyembro ng komisyon o kung kailan ito magsisimula.