Pumapalo na sa $8.48 billion o katumbas ng mahigit P400 billion investment pledges at commitments na ang nakuha ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at deligasyon nito mula sa Indonesian businessmen.
Ayon kay Pangulong Marcos, higit pa ito sa kaniyang inaasahan.
“I would describe the trip as more productive than we had expected,” wika ng Pangulo.
Kaya naman, tinataya ng economic managers na lolobo pa ang bunga ng kanilang mga byahe, lalo na ngayong nasa Singapore na ang presidente, para sa ikalawang yugto ng unang state visit trip nito.
Nakatuon kasi ang mga pulong ngayong araw para sa mga business deal, kung saan maraming negosyante sa naturang bansa ang interesadong maglagak ng puhunan sa Pilipinas.
Mamayang hapon, haharap sa media ang mga opisyal ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Department of Finance (DOF) para iulat ang ilang isyung may kinalaman sa ekonomiya at kalakalan.