-- Advertisements --

Iniulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang Pilipinong apektado sa pag-atake ng Israel sa mga opisyal ng Hamas sa kabisera ng Doha sa Qatar.

Kasalukuyang sinusuri naman ng diplomats ng Pilipinas sa Qatar ang kalagayan ng mga Pilipinong naninirahan at nagtratrabaho sa Doha.

Kasunod naman ng mga kaganapan sa naturang kabisera, hinihikayat ng embahada doon ang lahat ng mga Pilipino na manatili muna sa indoors at iwasan ang public places maliban na lamang kung talagang kailangan.

Pinayuhan din ang mga Pinoy na manatiling kalmado at subaybayan ang mga balita mula sa mapagkakatiwalaang sources at sundin ang abiso ng mga lokal na awtoridad.

Una rito, naglunsad ng pag-atake ang Israel laban sa mga lider ng Hamas sa Qatar kahapon, kasabay ng pagpapalawig ng kanilang military actions sa Middle East para isama ang Gulf Arab state kung saan may matagal ng political base ang naturang grupo.

Base sa ulat, nakaligtas mula sa pag-atake ang mga opisyal ng Hamas na kabilang sa ceasefire negotiating team.