Nagkasagutan sina Senator Rodante Marcoleta at Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla kaugnay sa usapin sa “restitution” o pagsasauli ng ninakaw sa maanomaliyang flood control projects, para mapabilang sa Witness Protection Programn (WPP).
Una ng lumutang ang usapin sa pagsasailalim sa WPP sa ilang resource person na sumalang sa pagdinig ng Senado dahil sa banta sa kanilang seguridad kabilang na ang mag-asawang government contractor na sina Curlee at Sarah Discaya na nagsiwalat sa umano’y “kickback” sa proyekto.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa maanomaliyang flood control projects ngayong Martes, Setyembre 23, muling inungkat ni Sen. Marcoleta ang napag-usapan sa nakalipas na pagdinig ng komite hinggil sa restitution na hindi requisite o kondisyon para mapabilang sa programa, subalit sinagot ito ni Sec. Remulla na wala umano ito sa batas.
Paliwanag ng kalihim na hindi bahagi ang restitution bilang requirements para sa admission sa WPP, bagay na sinang-ayunan naman ni Marcoleta.
Subalit, iginiit ng DOJ chief na hindi ito nangangahulugan na hindi na nila ito ikokonsidera dahil nakadepende ito sa kaso.
Giit naman ni Marcoleta na may proseso kung saan hindi requisite ang restitution para sa aplikasyon ng WPP, subalit ayon kay Sec. Remulla, ito ay isang krimen laban sa financial status ng mamamayang Pilipino kayat tama lang aniyang hilingin ito.
Dito na kinuwestyon ni Marcoleta si Remulla nang pagtatangkang amyendahan ang probisyon ng batas, na mariin namang itinanggi ng DOJ chief.
Ikinatwiran din ni Sen. Marcoleta na sa oras na mapatunayang may criminal liability ang isang indibidwal dito lamang papasok ang “restitution” at bilang requisite o kondisyon para mapabilang sa Witness Protection Program (WPP).
Ayon sa Senador, kailangan na dapat na may “goodwill” at sinseridad para masubok kung nararapat na mapasama sa programa.
Sa panig naman ni Sec. Remulla, nirerespeto umano niya ang opinion ng Senador, na agad namang nilinaw ni Marcoleta na hindi niya ito opinyon kundi nasa batas ito.
Tila pinangaralan naman ni Marcoleta ang kalihim na maaaring ma-disbar ang abogadong si Sec. Remulla sa usapin ng pagrebisa sa probisyon ng batas.
Samantala, sa parehong pagdinig, nauna na ring nilinaw ni Committee Chairperson Sen. Panfilo “Ping” Lacson kung may iba pang resource person maliban kay dating Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara na ikinokonsiderang mapasama sa programa, tugon naman ng kalihim na kanilang sasalain lahat at ang mga ebidensiyang kanilang ipreresenta at kung sino sa kanila ang makakapagturo sa mga salarin sa maanomaliyang proyekto.















