Muling pinuna ni Senador Rodante Marcoleta ang Department of Justice (DOJ) dahil sa pagpilit ng “restitution” o pagsauli muna ng mag-asawang kontratista na sina Sarah at Curlee Discaya ng umano’y iligal na nakuhang yaman bago tanggapin sa Witness Protection Program (WPP).
Sa pagdinig ng panukalang pondo ng DOJ para sa 2026, sinabi ni Marcoleta na walang nakasaad sa Republic Act 6981 o Witness Protection Act na kailangan ng restitution bago mapabilang sa programa.
Giit niya, ang batas ay ginawa para sa proteksyon ng testigo, hindi para dagdagan ng obligasyong wala sa probisyon.
Depensa naman ng DOJ, ayon kay Undersecretary Jesse Andres, kasama sa mga kondisyon ang pagtupad sa lahat ng legal at civil obligations, gaya ng nakasaad sa Section 5(f) ng nasabing batas, habang sinang-ayunan din ni OIC Fredderick Vida ang dating posisyon ng noo’y kalihim ng DOJ at kasalukuyang Ombudsman Jesus Crispin Remulla sa kaniyang pagharap noon sa Senate hearing na dapat may pagbabalik ng iligal na yaman kung mayroon man.
Muling nilinaw din ng Senador na hindi niya ipinagtatanggol ang mag-asawang Discaya kundi nais lamang niyang matukoy ang mastermind o utak sa isyu ng korapsyon.
Matatandaan, nauna ng isiniwalat ng mag-asawang Discaya ang umano’y pagkakasangkot ng ilang kongresista at opisyal ng DPWH sa mga iregularidad sa flood control projects, at humiling ng proteksyon sa ilalim ng WPP.
Gayunman, umatras sila sa kooperasyon sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) matapos sabihin ni ICI Commissioner at dating Public Works Secretary Rogelio “Babes” Singson na hindi ikinokonsidera ang mag-asawa na maging state witness dahil hindi sila least guilty, bagaman wala pang pormal na abiso sa DOJ hinggil dito.