-- Advertisements --

Umapela si Rodante Marcoleta, kandidato sa pagkasenador, sa Commission on Elections (Comelec) na pahintulutan na ang maagang proklamasyon ng mga top-ranking senatorial candidates sa 2025 National and Local Elections.

Sa isang 4-pahinang mosyon na isinumite sa Comelec, binigyang-diin ng kampo ni Marcoleta ang kanyang kasalukuyang ika-6 na pwesto sa pagka-senador na may 14,895,858 boto.

Ayon sa Paragraph 11 ng mosyon nito posible pa aniyang maapektuhan ang mga kandidatong nasa ika-7 hanggang ika-12 kung kaya’t humihiling ang kampo ni Marcoleta ng agarang proklamasyon para sa mga kandidatong malinaw nang pasok sa top 6 batay sa opisyal na canvass returns.

Bukod dito, humiling din ang kanyang kampo ng paliwanag at paglilinaw mula sa Comelec ukol sa umano’y discrepancy sa bilang ng boto mula sa transparency server kung saan nakasaad sa kanyang mosyon na mula ala-1:32 ng umaga –Nakakuha umano si Marcoleta ng 15,001,038 boto, at pagdating naman sa oras ng 2:11 ng umaga –Bumaba umano ito sa 12,244,219 boto.

Mula 12:23 a.m. hanggang 4:03 a.m. ng Mayo 13, napuna ang hanggang limang milyong boto ng diperensya.

Ayon sa naunang pahayag ng Comelec, posibleng dulot ito ng problema sa software ng mga tumatanggap ng datos (media at iba pang grupo). Paliwanag ni Comelec Chairman George Garcia, maaaring may duplicate entries mula sa clustered precincts na hindi na-filter ng maayos sa ilang receiving systems.