-- Advertisements --

Tanggap na ni Marco Gumabao ang kanyang pagkatalo sa pagtakbo bilang kinatawan ng ika-apat na distrito ng Camarines Sur sa 2025 midterm elections.

Sa isang pahayag sa social media nitong Martes, nagpasalamat ang aktor sa lahat ng sumuporta sa kanyang kampanya.

“Hindi man ito ang resulta na aming hinangad, alam kong ibinigay natin ang lahat, at buong puso tayong lumaban,” ani Marco.

Nagpasalamat din siya sa mga botante at kanyang mga tagasuporta.

Dagdag niya, hindi rito nagtatapos ang kanyang hangaring maglingkod. “Ang serbisyo at malasakit, hindi lang nasusukat sa puwesto. Magkikita pa rin tayo, at magtutulungan pa rin tayo—dahil ang tunay na laban ay para sa inyo.”

Tumakbo si Marco sa ilalim ng National Unity Party.

Batay sa partial at unofficial results hanggang 10:54 a.m. nitong Martes, nakakuha siya ng 95,089 boto, habang ang katunggali niyang si Arnie Fuentabbella ay nakakuha ng 122,306 boto.