-- Advertisements --

Kinumpirma ng Justice Department na naglabas na ng desisyon ang Manila Regional Trial Court na nag-uutos ng pagkansela sa pasaporte ni Negros Oriental 3rd District Representative Arnie Teves.

Sa inilabas na statement ng Department of Justice, sinabi nitong natanggap na nila ang desisyon ng RTC Branch 51 matapos ang ilang buwan na ginawang pagdinig ng korte sa inihaing petisyon ng mga prosecutor.

Kung maaalala, si Teves ay nahaharap sa patong patong na kasong murder dahil sa umano’y pagiging utak nito sa pagpatay kay dating Negros Oriental Governor Roel Degamo noong nakaraang taon.

Sinabi ng Justice Department na sa naging desisyon ng korte , lumakas pa lalo ang kaso ng gobyerno laban kay Teves.

Naging batayan ng korte sa paglalabas nito ng desisyon hinggil sa pagkakansela ng pasaporte ni Teves ang naging desisyon ng Anti-Terrorism Council na nagdeklara dito bilang isang terorista.

Tiniyak naman ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ihahatid ng pamahalaan ang nararapat na hustisya at katarungan sa mga pamilya ng biktima.

Kaugnay nito ay ipinag-utos na ng Department of Foreign Affairs ang agarang pagkasela sa pasaporte ni Teves.

Patuloy naman ang ginagawang hakbang ng National Bureau of Investigation upang maibalik sa bansa ang dating mambabatas .

Huling napaulat na nasa bansang Timor Leste si Teves lung saan ito humiling ng special political asylum.

Nagmamatigas pa ring umuwi ang mambabatas sa Pilipinas dahil sa paniniwala nitong hindi nagiging patas ang imbestigasyon laban sa kanya.