Inihayag ng PlaySafe Alliance PH ang kahalagahan ng mobile wallets bilang mabisang sangkap ng lisensyadong e-gaming operators at gobyerno sa pagsawata sa ilegal na internet gambling.
Tinukoy ng nasabing samahan ng lisensiyadong online gaming operators ang draft circular ng Bangko Sentral ng Pilipinas upang higpitan ang patakaran sa mobile wallets na siyang patunay sa pangangailangang manatili ang e-wallets bilang effective tool sa pagpatupad ng internet gambling rules imbes na alisin ang mga ito sa transaksiyong may kinalaman sa sugal.
Ayon kay Mike Defensor, tagapagsalita ng PlaySafe Alliance, nagbibigay ang mobile wallets ng Know Your Client (KYC) data at transaction trail na nagbibigay-daan sa mga awtoridad na matunton ang daloy ng pondo, maiugnay ang mga account sa pinaghinalaang network ng operator, at makabuo ng mga kaso na mas mahirap buuin kung muling babalik sa naunang traditional o mano-manong bayaran.
Sinabi ni Defensor na ang mga panukalang hakbang ng BSP – kabilang ang mas mahigpit na KYC, pang-araw-araw na limitasyon, at obligadong pagmanman sa mga transaksiyong kaugnay ng sugal – ay bumubuo ng legal at teknikal na balangkas upang agad maipahinto at maharang ang ilegal na paglilipat ng mga pondo.
Aniya, ang kakayahang i-freeze o pansamantalang higpitan ang mga kahina-hinalang e-wallet account, kung gagawin sa ilalim ng malinaw na alituntunin at due process, ay nakapipigil sa agarang pagkalat o paglalabas ng pondo na madalas humahadlang sa imbestigasyon.
Sinabi ng tagapagsalita ng naturang Alyansa na batay sa nakaraang mga operasyon at raid laban sa ilegal na online gaming hubs, ang sabayang paggamit ng payment controls at operasyon ng pulisya ay mas nagpapalakas sa pagsupil sa pamamagitan ng pagpapatigil ng daloy ng kita na sumusuporta sa mga offshore at unlicensed platform.
Nagbabala si Defensor na ang ganap na pagbabawal o biglaang pagputol ng serbisyo ng mobile w6allets ay maaaring magbunga ng masamang epekto, gaya ng paglipat ng mga mananaya at operator sa cash couriers o sa mga bagong digital payment channel na mas mahirap bantayan at pigilan ng mga lokal na regulator.
Kaniyang iminungkahi na magpatupad ang mga policymaker ng balanseng hakbang – mas mahigpit na KYC, mga threshold sa transaksiyon, pattern-based monitoring, at mandated reporting – upang manatiling maginhawa para sa mga consumer at mabisang katuwang ng mga lisensyadong e-gaming platform ang mga wallet.
Hinimok din niya ang paglalagay ng mga kasangkapan sa consumer protection sa mga patakaran ng wallet, gaya ng self-exclusion, boluntaryong spending cap, at mga obligadong babala, upang mabawasan ang pinsala habang nananatili ang kahalagahan ng wallet sa imbestigasyon.
Binigyang-diin din ni Defensor ang pandaigdigang dimensiyon ng isyu, na maraming ilegal na operator ang dumaraan sa cross-border payment arrangements, at na mas madaling makipag-ugnayan sa mga dayuhang counterpart at international AML mechanisms kung may nananatiling reguladong wallet.
Nanawagan din siya sa mga regulator na maglabas ng malinaw na protocol kung kailan at paano ipatutupad ang account freezes, kabilang ang oversight, mekanismo para sa apela, at mga safeguard sa data privacy, upang mapanatili ang tiwala ng publiko habang pinapabilis ang enforcement.
Inamin din ni Defensor ang mga lehitimong pangamba na maaaring mas mapadali ng wallet ang pagpopondo sa pagsusugal, at iminungkahi ang sabayang pagtutok sa gawi ng mga operator – parusa sa facilitation, pagbabawal sa in-app promotional links, at mas mahigpit na licensing checks – kasabay ng payment controls.
Sa huli, sinabi ni Defensor na ang pagpapanatili sa mga reguladong mobile wallet sa ilalim ng mas matibay at malinaw na patakaran ang pinakamabisang paraan upang mabawasan ang paglaganap ng hindi lisensyadong online gambling sa pamamagitan ng paggawa sa mga ilegal na kita bilang masusubaybayan, mapuputol, at mapaparusahan habang napoprotektahan ang karaniwang gumagamit.
Binubuo ng 20 founding members, ang PlaySafe Alliance ay una nang nagpahayag ng buong suporta sa panukalang Circular ng BSP na layong i-regulate ang mga payment service para sa online gambling.
Ang grupo ni Defensor na kinabibilangan ng mga lisensyadong operator ng gobyerno ay masigasig ding nagtataguyod ng pinakamahigpit na regulasyon sa online gambling bilang bahagi ng kanilang pangako sa responsible gaming.