-- Advertisements --

Inilunsad ng Digital Pinoys ang isang plataporma kung saan maaaring mag-ulat ang publiko ng mga illegal online gambling sites.

Sa pamamagitan ng website na digitalpinoys.org/notoillegalgambling, hinikayat ng grupo ang publiko na magsumite ng kanilang mga reklamo kaugnay ng mga illegal gambling sites, pati na rin ang mga nag-eendorso o nag-aadvertise ng mga ito.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Ronald Gustilo, Digital Pinoys campaigner, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng partisipasyon ng publiko upang mas mapabilis ang pagtugon sa lumalalang kaso ng illegal online gambling sa bansa.

“Live na po, bukas na po ang ating website para po kayo ay makareport ng mga illegal na gambling sites at mga endorsers at advertisers nito. So, inaanyayahan ko po kayo na kayo po ay maaaring magsumite ng inyong reklamo,” saad pa ni Gustilo.

Ayon sa grupo, garantisado ang pagiging anonymous ng bawat sumbong na isusumite at tiniyak na ito’y maaaksyunan ng mga kinauukulan.

“Magpunta lamang po sa aming website digitalpinoys.org/notoillegalgambling at sisiguraduhan po namin unang-una na magiging anonymous ang inyong complaint at pangalawa na maaaksyunan ng ating pamahalaan ang inyong sumbong, ” dagdag pa nito.

Base sa datos, halos 9,000 illegal gambling websites na ang na-take down ng Department of Information and Communications Technology (DICT), sa pakikipagtulungan ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) at National Telecommunications Commission (NTC).

Bukod dito, mahigit 54,000 illegal online sabong websites na rin ang pinatigil simula nang ipagbawal ito ng kasalukuyang administrasyon.

Sa social media naman, mayroong 20 verified pages ang na-monitor na nag-eendorso ng illegal online gambling kung saan apat dito ang na-take down na.

Dagdag pa rito, 29 social media influencers ang kasalukuyang iniimbestigahan ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center dahil sa posibleng kaugnayan sa pagpo-promote ng mga nasabing ilegal na aktibidad.

Nanawagan naman ang advocacy group sa lahat ng Pilipino na makiisa sa kampanya laban sa illegal online gambling — sa pamamagitan ng aktibong pag-uulat ng mga website, advertisement, at personalidad na sangkot dito.