-- Advertisements --

Nagpahayag ng suporta ang grupong Digital Pinoys sa paggamit ng PhilSys para sa pagberipika ng pagkakakilanlan ng mga gumagamit ng social media at online gaming.

Ayon kay Digital Pinoys National Campaigner Ronald Gustilo, ito ang pinakamadali at pinakaligtas na paraan upang patunayang totoong tao ang nasa likod ng isang account nang hindi ibinibigay ang mismong National ID sa mga pribadong kumpanya.

Makatutulong din ang naturang sistema upang matukoy at mabawasan ang mga account na pinapatakbo ng mga troll farm na sangkot sa disinformation at panlilinlang.

Bagamat kinikilala ng grupo ang karapatan ng publiko sa anonymity online, iginiit nilang hindi ito dapat gawing dahilan upang makaiwas sa pananagutan sa batas ang mga gumagawa ng online harassment.

Tiwala ang alyansa na sa pamamagitan ng PhilSys verification ay mapoprotektahan ang mga karaniwang gumagamit habang napapanagot naman ang mga malisyosong elemento sa digital space.