-- Advertisements --

Nagpahayag ng pakikiramay ang Digital Pinoys sa pamilya, kaibigan, at mga mahal sa buhay ng motorcycle taxi rider na pumanaw habang nakapila upang tumanggap ng financial assistance para sa mga transport workers.

Ang inaasahang sandali ng ginhawa ay nauwi sa trahedya na muling nagpaalala sa araw-araw na hirap ng maraming riders.

Ayon sa grupo, walang manggagawa ang dapat malagay sa panganib o isugal ang kalusugan at buhay para lamang makakuha ng government aid.

Anila, ang mga assistance program ay dapat magbigay-lakas at hindi magdulot ng mapanganib at nakakapagod na sitwasyon.

Binanggit ng Digital Pinoys na ang insidente ay nagpapakita ng agarang pangangailangan para sa mas maayos na community facilities, organisadong distribution systems, at ganap na paggamit ng digital technology sa aid disbursement.

Ang mahabang pila, siksikan, at manual processes ay tinawag nilang “outdated procedures” na patuloy na nagpapahirap sa mga benepisyaryo.

Higit pa rito, binigyang-diin ng grupo ang lumalalang problema ng overboarding sa motorcycle taxi sector, kung saan sobrang dami ng riders ang nag-aagawan sa kakaunting oportunidad.

Dahil dito, marami ang napipilitang pumasok sa desperadong kalagayan para lamang makaraos.

Nanawagan sila sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Transportation (DOTr) na agarang tugunan ang isyu at panagutin ang Transport Network Companies sa mga patakarang nagpapalala ng oversupply.

“When a rider dies in line for aid, the system has already failed,” ayon sa pahayag ng Digital Pinoys.

Dagdag pa nila, dapat laging isaalang-alang ng mga ahensya ng gobyerno at pribadong plataporma ang human cost ng kawalan ng aksyon.

Karapat-dapat ang mga riders sa dignidad, patas na oportunidad, at mga polisiyang nagpoprotekta sa kanilang kapakanan, hindi sa mga sistemang nag-iiwan sa kanila sa pila para sa tulong na huli nang dumating.