-- Advertisements --

Umabot sa 34.8% ng kabuuang energy consumption ng bansa noong 2025 ang napunta sa transport sector, ayon sa datos ng Department of Energy (DOE).

Binigyang-diin ng ahensya na mahalaga hindi lamang ang dami ng ginagamit na enerhiya, kundi kung paano ito ginagamit nang mas efficient at mas malinis sa pangkalahatang transportasyon.

Bahagi ng mga nakalatag na hakbang ang mabilis na paglipat sa paggamit ng electric mobility sa buong bansa.

Sa ilalim ng Electric Vehicle Industry Development Act (EVIDA), target na maabot ang 5% pataas na Electric Vehicle share sa mga covered government at private fleet bago sumapit ang taong 2034.

Inaasahan namang tataas pa sa 10% ang target na EV share pagdating ng taong 2040.

Kasama rin sa opisyal na roadmap ang pagpapalawak ng mga EV charging infrastructure at ang pagtukoy ng mga green routes para sa electric public transport.

Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito, layunin ng DOE na unti-unting linisin ang paggamit ng enerhiya sa transport sector habang pinapahusay ang efficiency ng mga biyahe sa bansa.