-- Advertisements --

Hinamon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co na umuwi na sa Pilipinas at harapin ang kanyang mga kaso kaugnay ng korapsyon sa flood control, kaysa magbulgar ng mga walang basehang mga alegasyon habang nagtatago.

Una nang ibinasura ng Pangulo ang mga alegasyon sa kanya ni Co, na nahaharap sa arrest warrant kasama ang 15 iba pa kaugnay sa kasong graft at pagwawaldas ng pondo ng bayan sa maanumalyang flood control project sa Oriental Mindoro.

“Kung meron siyang gustong sabihin, sabihin niya. Malalaman naman ng tao iyan. Patunayan niya. But come home, come home, Ba’t ka nagtatago sa malayo? Ako hindi ako nagtatago. Kung meron kang akusasyon sa akin, nandito ako. Gawin niyang pareho, para patas lang naman,“ pahayag ng Pangulo.

Binigyang-diin ng Punong Ehektubio na ang mga paratang nito habang nagtatago ay walang saysay o kabuluhan dahil ayaw nitong umuwi at patunayan ang kanyang mga akusasyon.

“Well look at the quality of his statement. Mahaba na ang naging mga usapan natin tungkol sa fake news. Anyone can go online and make all kinds of claims, and say all kinds of things. Pauli-ulit,” ayon sa Pangulo.

“But it means nothing. For it to mean something, umuwi siya rito. Harapin niya ang mga kaso niya,” diin ng Pangulo.

Nauna rito, inanunsyo ng Pangulo na nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang iba pang kapwa akusado ni Co.

Hinimok ng Pangulo ang natitirang iba pang akusado na sumuko na sa mga awtoridad at harapin ang kanilang mga kaso.

Nagsampa na rin ang Ombudsman ng kasong graft at malversation cases laban kay Co at mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at sa ibang sangkot mula sa  Sunwest Corporations batay sa ebidensyang nakalap ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) at DPWH.