-- Advertisements --

Tiniyak ng Office of the Ombudsman ang kahandaan nito na patuloy tumanggap ng mga inihahaing reklamo o rekomendasyon sa tanggapan.

Ayon mismo kay Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla, handa umano ang tanod-bayan sa posibilidad ng pagtaas sa bilang ng mga isinusumite sa kanila.

Sa eklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Ombudsman Boying Remulla, may kapasidad naman aniya ang opisina para dito.

Subalit kanyang sinabi na bagama’t handa ang tanggapan, plano aniyang mas palawigin o palakasin pa ang kakayanan ng Ombudsman na makatanggap ng mas maraming reklamo.

Kaugnay sa nabanggit na ‘capacity building’, ayon pa kay Ombudsman Remulla, bukas aniya sila para tumanggap ng panibagong mga abogado.

Maging mga abogado mula sa pribadong sektor ay kanila rin daw kakausapin upang makiisa rin bilang ‘private prosecutors’.

Bukod sa kanila, panawagan din ni Ombudsman Remulla sa mga ‘law schools’ ang boluntaryong pagtulong sa layon malinis ang kaliwa’t kanan isyu ng korapsyon.