-- Advertisements --

Nilinaw  ng Palasyo na walang papel si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagpili ng house speaker.

Ang pahayag ni Castro ay kasunod ng mga ulat na posibleng papalitan sa pwesto si House Speaker Bojie Dy III. 

May mga ulat kasi na kumakalat na papalitan umano si Speaker Dy ni House Deputy Speaker Ronaldo Puno.

Sa press briefing sa Malakanyang, tinanong kasi si PCO Undersecretary at Palace  Press Officer Claire Castro kung totoo bang si Puno ang sinusuportahan ng Malacañang na papalit sa pwesto ni Dy bagay na agad itinanggi.

Sinabi ni Castro na ang pagpili ng liderato ng Kongreso ay wala sa kamay ng Pangulo at kung ano ang magiging desisyon ng House of Representatives ay hindi na ito saklaw ng Pangulo.

Nang tanungin kung may impluwensiya ba ang Pangulo sa maaaring italagang House Speaker, muling nilinaw ni Castro na wala.

Naglabas na rin ng sariling pagtanggi si Deputy Speaker Puno na may nagaganap na speaksership change.

Si Speaker Dy ang pumalit sa pwesto ni dating House Speaker Martin Romualdez na nagbitiw sa pwesto nuong September 17, 2025 kasunod ng flood control projects anomaly.