Pinuri ng ilang mambabatas ang naging hakbang ng Bangko Sentral ng Pilipinas na labanan ang talamak na online gambling sa bansa.
Kabilang sa mga pumuri sa central bank Sina Cagayan de Oro City 2nd District Representative Rufus Rodriguez at CIBAC Party-List Rep. Bro. Eddie Villanueva.
Sa naging pahayag ni Rodriguez, binigyang diin nito ang kahalagahan ng hakbang na ito ng BSP upang mapigilan ang pagkalulong ng mga Pilipino sa online sugal.
Binigyang diin nito na kailangang bantayan ng Central Bank ang mga illegal na online payment platform at mga naging transaksyon sa banko at iba pang mga financial intermediaries tulad ng mga pawnshop.
Mas mainam rin aniya na humingi ito ng tulong sa Department of Information ang Communications Technology upang mas mapabilis ang pagbabantay.
Mas magiging epektibo rin ang naturang hakbang para matukoy at mapigilan ang ilegal na pasilidad tulad sa isyu ng E-Sabong.
Una na itong ipinagbawal noon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ngunit hirap parin na masawata ito.
Sa naging panig naman ni Villanueva , sinabi nito na ang naging desisyon ng Bangko Sentral ay malinaw na mensahe na ang digital accessibility ay hindi dapat maging daan para sa bisyo.