-- Advertisements --

Nanawagan sa publiko ang kasalukuyang alkalde ng Maynila na si Mayor Isko Moreno Domagoso na igalang, irespeto at manatiling disiplinado sa pagpunta ng mga sementeryo sa paggunita ng Undas ngayong taon.

Paalala niya na itapon ng wasto ang mga basura, iwasan ang pagtitinda sa loob ng sementaryo at maging mapagmasid lalo na sa inaasahang pagbisita ng maraming tao sa puntod ng kani-kanilang mga mahal sa buhay.

Kanyang sinabi na makatitiyak umano na ang lokal na pamahalaan ng lungsod ay ginagawa ang lahat at sinegurong may mga libreng tubig, wheelchairs at palikuran matatagpuan sa mga sementeryo.

Kaagapay aniya nila rito ang Manila Disaster Risk Reduction and Management Office, Red Cross, Manila Traffic and Parking Bureau, Philippine National Police, at Bureau of Fire Protection.

Paalala din ni Mayor Isko na ipinagbabawal ang pagdadala sa loob ng sementeryo ng baril, patalim, alak, alagang hayop, malakas na patugtog, at flammable materials.

Habang babala naman niya sa mga mananamantala o oportunista na sila’y nakabantay sapagkat mayroong nakahandang mga kapulisan at CCTV cameras lalo na sa malalaking mga sementeryo.