-- Advertisements --

Nanawagan ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa Senado ng Pilipinas na magsagawa ng malalimang imbestigasyon hinggil sa mga proyekto na may kinalaman sa pagkontrol ng baha sa buong lungsod.

Ang panawagang ito ay bunsod ng malawakang pagbaha na nararanasan sa iba’t ibang bahagi ng Maynila kamakailan, dulot ng matinding pag-ulan na nagdulot ng perwisyo sa mga residente at negosyo.

Partikular na hinihiling ng lokal na pamahalaan na suriing mabuti at imbestigahan ang mga proyekto sa ikalawa, ikatlo, at ikaanim na distrito ng Maynila.

Batay sa datos ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ang kabuuang pondong inilaan para sa mga proyektong ito ay umabot sa ₱14.5 billion.

Sa kabila ng napakalaking halaga ng pondong inilaan, nananatili pa ring problema ang pagbaha sa iba’t ibang lugar sa lungsod.

Kaugnay nito, nagpahayag naman ng kahandaan na makipagtulungan sa Senado ang mga kongresista mula sa tatlong distrito na nabanggit na sina 2nd District Representative Rolando Valeriano, 3rd District Representative Joel Chua, at 6th District Representative Bienvenido Abante.

Naniniwala ang mga kongresistang ito na mahalagang masusing pag-aralan ang sitwasyon upang matukoy ang mga posibleng pagkukulang o kakulangan sa mga proyekto.