Nagbigay paliwanag ang kasalukuyang kalihim ng Department of Public Works Highways na si Secretary Vince Dizon ukol sa kanilang ipinasang panibagong ‘referral’ sa Office of the Ombudsman.
Kanyang nilinaw kung bakit sa isinimuteng rekomendasyon na mapakasuhan si former House Speaker Martin Romualdez ay ‘plunder case’ ang nais nitong maisampa.
Ayon kay Public Works Sec. Vince Dizon, naniniwala silang matibay na batayan ang mga dokumentong kanilang ipinasa sa Ombudsman para aksyunan nito ang kanilang ikalawang ‘referral’.
Kabilang sa mga pinaniniwalaang matibay na ‘merito’ ng rekomendasyon ay ang kontrata mula sa mga proyektong nakitaan ng anomalya, at mga salaysay na pinanumpaan o ‘sworn statements’.
Kung kaya’t binigyang diin ng naturang kalihim na nasa Office of the Ombudsman ang responsibilidad sa kung papaano uusad ang pinagsamang ‘referral’ ng kagawaran katuwang ang Independent Commission for Infrastructure.
Pagtitiyak naman niya’y patuloy silang makikipagtulungan sa Ombudsman sa imbestigasyon isinasagawa ukol sa flood control projects anomaly.
Kung babasehan kasi ang mga nakaraan desisyon ng korte, kakaunti pa lamang ang nahahatulan ‘may sala’ sa kasong plunder.
Sa rekomendasyon ng kagawaran at komisyon kanilang inirerekumendang mapakasuhan si former House Speaker Martin Romualdez at ex-Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co ng kasong plunder, graft at direct bribery.
Aminado si Public Works Secretary Vince Dizon na karamihan o ang taumbayan ay naiinip na sa pagpapanagot ng mga sangkot sa isyu ng flood control.
Giit kasi niya’y alinsunod na rin sa direktiba ng pangulo, nais nilang matibay ang mga reklamo o kasong isasampa laban sa mga tiwali at dawit na mga indibidwal.
Dahil rito’y kanyang ipinagpapasalamat ang pagpapasensiya ng publiko sa nagpapatuloy na kaliwa’t kanan imbestigasyon at pagsasampa ng kaso.
















