-- Advertisements --

Tiniyak ng Embahada ng Pilipinas sa Thailand na ligtas ang mga atletang Pilipino na kalahok sa 2025 Southeast Asian (SEA) Games.

Ito ay sa kabila ng nagpapatuloy na armadong sagupaan sa may border sa pagitan ng Thailand at Cambodia.

Ayon kay Philippine Ambassador to Thailand Millicent Cruz-Paredes, naglatag na ang Thai authorities ng security measures para masiguro ang kaligtasan ng lahat ng delegasyon sa naturang malaking sports event.

Base sa opisyal, nangyayari ang labanan sa anim mula sa pitong border provinces ng Thailand at malayo mula sa kabisera ng Bangkok at sa Chon Buri, kung saan idinaraos ang karamihan sa mga laro sa SEA Games.

Hinimok rin ng opisyal ang lahat ng mga Pilipinong naninirahan sa Thailand na suportahan ang mga atletang Pilipino. Subalit, nagpaalala sa mga turistang Pilipino na nasa Thailand na mag-ingat partikular na sa pagbiyahe sa may border areas na apektado ng labanan.

Ginawa ng Embahada ang pahayag kasunod ng pag-atras sa SEA Games ng mga atleta mula sa Cambodia dahil sa pangamba sa security situation doon.