Isasara ng pamunuan ng Manila Bay ang dolomite beach tuwing Biyernes para sa isasagawang maintenance, at lilimitahan na rin ang bilang ng pinapapasok na mga tao sa artificial beach na ito para maiwasan ang peligro nang hawaan ng COVID-19.
Ayon kay Jacob Meimban Jr. ang deputy director ng Manila Bay Coordinating Office, ang ipapatupad nilang adjustments na ito ay kasunod na rin ng libo-libong mga tao na pumasok sa dolomite beach sa mga nakalipas na linggo.
Sa pangamba na maging superspreader event ang pagdagsa ng maraming mga tao, sinabi ni Meimban na inatasan na nila ang ground commanders ng dolomite beach na pansamantalang pahintuin ang mga bisita sa pagpasok sa Pedro Gil entrance.
Dodoblehin na rin aniya nila ang bilang ng mga pulis at marshals para sa implementation ng social distancing.
Sa ngayon, pinag-aaralan pa nila Meimban ang lahat ng mga proposals para masolusyunan ang pagdagsa ng maraming tao sa lugar.