-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Idineklara ng Sangguniang Bayan ng Libungan Cotabato na persona non grata ang station manager at radio commentator ng 100.5 Radyo Bandera Midsayap na si Benny Queman.

Batay sa Resolution No. 2020-162 ng SB-Libungan, hindi na welcome si Queman sa bayan.

Dagdag pa rito, bawal na din itong mag-cover ng sesyon sa Sanggunian, hindi na maaaring makagamit ng mga pasilidad na pagmamay-ari ng lokal na pamahalaan at ang pagbabawal sa kaniya na magtrabaho sa mga tanggapan na sakop ng bayan.

Ayon kay Queman, nag-ugat umano ang isyu dahil sa inirereklamong limang ektaryang poultry farm at piggery sa isang barangay sa Libungan na aniyay nakakaapekto na sa mga residente ang mabahong amoy nito.

Makailang-beses nitong pinuna si Libungan Mayor Christopher “Amping Cuan” dahil sa mabagal na aksyon ng LGU-Libungan sa mga hinaing ng mga residente sa lugar.

Dagdag pa ni Queman, hindi makatarungan ang ginawang ito ng alkalde ng bayan dahil ginagampanan lamang umano nito ang kaniyang tungkulin bilang isang mamahayag.

Samantala, sa pahayag naman ni Mayor Cuan, ang pagdedeklara kay Queman bilang persona non grata sa bayan ay may sapat na basehan.

Kabilang na rito ang araw-araw na pang-aatake ni Queman sa isyu na wala naman aniyang sapat na ebidensya gaya na lamang ng akusasyon nito na may natatanggap silang pera mula sa may-ari ng inirereklamong poultry farm.

Dagdag pa ni Mayor Amping, hindi rin patas ang presentasyon ni Queman sa naturang usapin dahil ang ginagawa nito ay isa aniyang pamamahiya sa lokal na pamahalaan at sinisira ang imahe ng bayan.

Maging ang nangyaring pagbaha umano sa Libungan ay sinisisi pa ni Queman sa kaniya.

Ito ang mga naging dahilan upang magdesisyon ang SB na ideklarang persona non grata si Queman.

Nilinaw naman ni Mayor Cuan na ang inirereklamong poultry farm sa bayan ay naimbestigahan na ng LGU-Libungan katuwang ang Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), Mines and Geosciences Bureau (MGB) at Provincial Government ng Cotabato.

Sa kabilang banda, bagamat hindi umano galit si Mayor Cuan kay Queman ay hindi na aniya ito bukas sa anumang kasunduan.