-- Advertisements --

Paiimbestigahan ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros ang ulat ng umano’y pang-aabuso at pagmamaltrato sa 156 batang nasagip mula sa kustodiya ng New Life Baptist Church of Mexico Pampanga, Inc. na pinamumunuan ni Pastor Jeremy Ferguson.

Sa inihaing Senate Resolution No. 77, iginiit ni Hontiveros ang pangangailangang silipin ang mga ulat na nagsasabing ilang bata ang nakaranas ng pisikal, berbal, at sikolohikal na pang-aabuso habang nasa pangangalaga ng nasabing simbahan.

Batay sa ulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), lumabag din ang simbahan sa mga panuntunan para sa registration, license to operate, at accreditation

Natuklasan umano na pinatatakbo ang pasilidad sa ilalim ng mapanganib na kalagayan, kabilang ang kakulangan sa ligtas na pasilidad kontra sunog, maling paggamit ng pondo, at hindi maayos na pamamahala sa mga kaso ng mga bata. 

Dahil dito, naglabas ang DSWD ng 30-araw na cease and desist order laban sa institusyon.

Binigyang-diin ni Hontiveros na panahon nang repasuhin ang mga umiiral na batas at patakaran, kabilang ang Republic Act 7610 o ang batas na nagpoprotekta sa mga bata laban sa pang-aabuso, upang masiguro ang mas mahigpit na pananggalang para sa mga menor de edad na inilalagay sa mga institusyong panlipunan at pribadong pasilidad.

Kasabay nito, hiniling ng senadora na ang kanyang komite — ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality — ang magsagawa ng masusing imbestigasyon upang matukoy ang pananagutan ng mga nasa likod ng insidente.