-- Advertisements --

LAOAG CITY – Patay ang isang Market Vendor sa loob mismo ng kanyang bahay na nakagapos ang kanyang dalawang kamay sa Barangay Lumbad sa bayan ng Dingras dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.

Kinilala ang biktima na 39 na anyos na nagtitinda ng gulay at pancit sa palengke, tubo sa Bangued, Abra ngunit kasalukuyang naninirahan sa nasabing barangay.

Ayon kay Ms. Jaylyn Cabudol, kapatid ng biktima, ilang beses na kumatok sa bahay ng kanyang kapatid pero hindi na ito sumagot at binuksan ang pinto.

Dahil dito, kinuha niya nga duplicate ng susi ng pinto at dito bumungad ang kanyang kapatid na wala nang buhay at nakakalat ang mga kagamitan nito.

Paliwanag niya, wala siyang natatandaang nakaaway ng kanyang kapatid na maaaring gumawa nito sa kanya.

Dagdag pa niya, bago ang insidente, nabanggit ng kanyang kapatid na dalawang beses nang may bumato ng malalaking bato sa kanyang bahay.

Kaugnay nito, nawawala ang mga alahas at pera ng biktima na maaaring kinuha ng mga suspek.

Samantala, sinabi ni P/Maj. Norman Pentang, hepe ng Dingras Municipal Police Station, may pasa sa mukha ang biktima, natakpan ng buhok ang mukha at tinalian ng elastic bandage ang labi.

Sa ngayon, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon nga mga awtoridad ukol sa pangyayari.